Pinagbibitiw na rin sa posisyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang ibang mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na sangkot sa hindi awtorisadong importasyon ng asukal.
Ayon kay Zubiri, magbibigay siya ng privilege speech mamayang hapon sa sesyon para kalampagin ang mga opisyal ng SRA na kasali sa maanomalyang sugar order na mag-resign na sa kanilang mga pwesto.
Bagama’t ikinalugod ng senate president ang naunang pagbibitiw ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, ipinagtataka naman ng senador kung bakit ang ibang sangkot sa isyu ay hindi pa rin nagsusumite ng kanilang resignation.
Si Sebastian na unang nagbitiw ang lumagda sa Sugar Order No. 4 na walang otorisasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya namang kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ang nasabing sugar order ay na-i-post pa sa website ng SRA kung saan sinasabing binibigyang pahintulot ang importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal na agad namang nilinaw ng palasyo na ito ay ni-reject ng pangulo.
Maliban sa panawagang pagbibitiw ay iginiit din ni Zubiri na sampahan ng kaso ang mga sangkot sa nasabing iregularidad.