Ipinagmalaki ni Senator Mark Villar na ngayon pa lang ay maraming bansa na ang nagpaabot ng kanilang interes na mamuhunan sa Maharlika Investment Fund.
Sa pulong balitaan, ibinida ni Villar, ang sponsor ng MIF Bill sa Senado, na may mga bansa na ang nagpahayag ng interes na mag-invest sa pamamagitan ng Maharlika fund dahil nakikita nilang may malaking potensyal ang Pilipinas dagdag pa rito ang masiglang demokrasya.
Naniniwala si Villar na sa mga darating na taon ay mas marami pang bansa ang magkakainteres at mamumuhunan sa bansa sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund.
Maliban sa mga bansa, marami na rin aniyang business groups ang nag-i-inquire sa kanya sa pamumuhunan sa MIF at hinihintay na lamang na maisabatas ang sovereign wealth fund bago sila makapag-commit sa investments.
Malaki aniya ang magiging benepisyo ng mga ordinaryong mamamayan sa Maharlika fund dahil kapag pumasok na ang mga investments sa mga industriya ay mangangahulugan ito ng dagdag na trabaho para sa mga Pilipino.
Sa inisyal na pagtaya ng National Economic and Development Authority (NEDA), inaasahang 350,000 na trabaho ang malikiikha sa ilalim ng Maharlika fund.