Pinaaapura na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan na nasalanta ng Bagyong Odette.
Ayon sa pangulo mahalaga ang agarang tulong sa mga apektadong residente.
Bilang tugon, nagpadala agad ang Department of Human Settlements & Urban Development ng 2,500 tarpaulin tents sa Siargao Islands, Surigao City at Dinagat Islands.
Sa mga susunod na araw naman ay magpapadala na ang ahensya ng mga materyales upang makumpuni ang mga nawasak na tahanan.
Sa panig naman ng Department of Energy (DOE) bago matapos ang taong kasalukuyan ay may ilang lugar na ang maibabalik ang suplay ng kuryente at magtutuloy-tuloy ito hanggang sa susunod na taon.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ay walang tigil din sa paglilinis ng kalsada partikular ang mga nabuwal na puno para hindi sagabal sa pagdadala ng mga ayuda.
Samantala ang Departmeng of Health (DOH) naman ay nagpadala narin ng karagdagang health personnel at mga gamot sa mga ospital.
May inisyal namang P20-M na inilaan ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa pangkabuhayan ng mga residente.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte na sa ganitong panahon ng kalamidad dapat ipamalas ng bawat Filipino ang bayanihan spirit.