Iba’t ibang grupo, dumulog sa Korte Suprema para igiit ang mass testing

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang iba’t ibang grupo upang igiit sa pamahalaan ang “mass testing” sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

Kabilang sa petitioners ang Citizens Urgent Response to End COVID-19, Coalition for the People’s Right to Health, Bahaghari, Migrante International, GABRIELA Network of Professionals, Allied Workers Federation, Kilusang Mayo Uno, Alliance of Concerned Teachers at iba pa.

Ang respondents naman ay sina Health Secretary Francisco Duque III, Secretary Delfin Lorenzana, na pinuno ng National Task Force on COVID-19, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Transportation Sec. Arthur Tugade.


Ayon kay Atty. Catherine Panguban ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa kanilang Petition for Mandamus, nananawagan sila sa Korte Suprema na i-utos ang pagsasagawa ng mass testing at gawing libre ito.

Aniya, hindi sapat ang kasalukuyang COVID-19 testing na isinasagawa ng pamahalaan lalu’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa.

Pinuna rin ng mga petitioner ang hindi maayos na pag-identify ng gobyerno partikular ng Department of Health sa mga kaso ng COVID-19 na ngayon ay mayroong “fresh at late cases” pa.

Nais din ng petitioners na atasan ng Supreme Court ang respondents na magbigay ng “transparent, accurate, and complete data” hinggil sa sitwasyon ng bansa sa gitna ng pandemya.

Ayon naman kay Dr. Josh San Pedro ng Coalition for the People’s Right to Health, ang hiling nilang COVID-19 mass testing ay parte ng “Karapatan sa Kalusugan” o “Right to Health” ng mga Pilipino.

Kailangan din anilang magkaroon ng malawakang contact tracing at ayusin ang health system at laboratory testing capacity sa bansa.

Sa panig naman ni Jang Monte Hernandez, ina ng petitioner ng batang si “Via”, mahalaga para sa isang tulad niyang nanay ang kalusugan ng mga anak, lalu’t isinusulong ng pamahalaan ang pagbubukas ng klase sa Agosto.

Facebook Comments