Iba’t ibang grupo, nagprotesta sa reclamation project sa Manila Bay

Nagkasa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo sa tapat ng Rajah Sulayman Park para ipanawagan na itigil na ang ikinakasang reclamation project sa Manila Bay.

Ayon sa grupo ng Pamalakaya at mga climate change activist, hindi nakakatulong ang nasabing proyekto dahil sa nawawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda.

Partikular ang mga nagbebenta ng tahong at talaba sa Bacoor kung saan nakatakda nang gibaiin ang kanilang mga fish pen.


Nabatid na isinisisi ng pamahalaan sa mga nagtatahong at nagtatalaba ang pagkasira ng ilang bahagi ng Manila Bay bagay na inalmahan ng grupo ng mga mangingisda at ng ilang climate change activist.

Una nang nagtungo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga grupo ng mangingisda para kausapin si Sec. Roy Cimatu upang ipabatid ang kanilang pagtutol sa demolisyon ng mga tahungan at talabahan pero hanggang ngayon ay wala pa rin itong tugon.

Wala rin daw inilalatag na plano ang DENR para sa mga maaapektuhang mangingisda lalo na at hirap ang ilan sa kanila bunsod ng COVID-19 pandemic.

Umaasa ang grupo na matutugunan ng pamahalaan ang nasabing isyu kung saan pagtuunan din sana nila ng pansin ang mga programa sa global warming at climate change.

Matapos ang programa sa Rajah Sulayman Park, magtutungo ang grupo sa may bahagi ng Dolomite Beach para ituloy ang kanilang protesta.

Facebook Comments