Umaapela ngayon ang iba’t-ibang grupo sa Commission on Election (COMELEC) na palawigin pa sana ang ikinakasang pagpapa-rehistro ng mga botante para sa 2022 elections.
Kaugnay nito, maghahain ng petisyon ngayong umaga ang iba’t ibang grupo para hilingin sa COMELEC ang pagpapalawig ng voter registration.
Kabilang sa mga maghahain ng petisyon ang mga grupo ng Defend Jobs Philippines, Akbayan Youth, First Time Voters Network at iba pa.
Sa pahayag ng Defend Jobs, hinihiling nila ang isang buwan na palugit para sa pagpapatala ng mga botante habang nais ng Akbayan Youth at ng iba pang grupo na i-extend ang pagpapatala hanggang buwan ng Enero ng susunod na taon.
Paliwanag ng bawat grupo, maraming botante lalo na ang mga bago ang hindi makaboboto dahil sa hindi pa nakakarehistro.
Ito’y dahil sa ipinapatupad na community quarantine sa Metro Manila at ilang lalawigan na suspendido pa rin ang pagpaparehistro.
Magsasagawa rin ng signature campaign ang grupo ng mga manggagawa para kumuha ng suporta sa kanilang petisyon.
Matatandaan na meron na lamang ng hanggang 30 araw bago ang huling araw ng pagpaparehistro ng mga botante at walang plano ang COMELEC na palawigin pa ito.