Iba’t ibang grupong nagsagawa ng kilos protesta ngayong Labor Day, ipinanawagan ang dagdag sahod sa gitna ng lumalalang kondisyon ng ekonomiya

“Dagdag sahod” ‘yan ang sigaw ng iba’t ibang labor groups na nagsagawa ng kilos protesta ngayong araw kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Paggawa o Labor Day.

Ayon sa Anakbayan, panahon na para isabatas ang dagdag na ₱150 sa minimum wage na sahod ng mga manggagawa.

Sa lumalalang kondisyon umano ng Pilipinas, hindi na kinakaya ng isang normal at ordinaryong nagtatrabaho ang mga gastusin lalo na’t halos lahat ay nagtataas na ang presyo.


Iginiit din ng nasabing grupo na hindi sila kumbinsido na kung may dagdag sahod ay mas tatataas pa ang presyo ng mga bilihin dahil hindi umano ito makatarungan.

Kasunod nito, nanawagan din ang ibang grupo gaya ng Makati Labor Alliance at Makatindig na resolbahin na ang isyu sa contractualization sa mga manggagawang inaabot na ng dekada sa kanilang trabaho pero di pa rin nare-regular.

Sa huli, umaasa ang ang mga labor group na mapakinggan ng pamahalaan ang kanilang hinaing at magkaroon na ng solusyon at batas ukol sa lumalalang problema ng mga Pilipino.

Facebook Comments