Ang itlog ng manok ay isa sa pinakamadalas na lutuin sa buong mundo. Bukod sa madali itong lutuin ay mura pa at masustansya. Ginagamit itong sangkap sa iba’t ibang putahe, maaari rin naman itong gawing main ingredients kailangan mo lamang maging madiskarte upang gawing espesyal ang simpleng itlog.
Susubukan natin isa-isahin ang paraan ng pagluluto sa itlog:
Binating Itlog/ Omelet
Simple man sa paningin ito’y nakabubusog din! Binating itlog para sa puso mong unti-unti ng nahuhulog. Una ay kailangan lang basagin ang itlog at ilagay ang laman sa isang mangkok. Lagyan ng asin, tantsahin tulad ng pagtantsa mo sa bawat pagdedesisyon mo kung ito ba ay tama at swak sa panlasa. Sunod ay kumuha ng tinidor at batiin ang itlog hanggang maghalo ang puti at dilaw nito. Maglagay ng konting mantika sa kawali habang pinapainit ito sa lutuan ibuhos ang binating itlog at hayaang maluto ang ilalim nito tapos baliktarin, ahunin na kapag sa tingin mo’y luto na.
Binating Itlog na may sibuyas para sa araw mong napakamalas! Dagdagan lamang ng sibuyas ang binating itlog at ulitin ang parehong hakbang. Balatan ang sibuyas at hiwain ayon sa kung gaanon kalaki ang gusto mo. Igisa ang sibuyas sa mainit na mantika at tsaka ihalo ang itlog. Ahunin kapag naluto na. Mawawala ang init ng ulo at tiyak na ikaw ay mapapadighay.
Pritong Itlog o Sunny Side Up
Pritong itlog din subalit Sunny-Side Up! Siguradong dito ay hindi ka mado-down. Magpainit ng mantika sa kawali at ihanda ang itlog at asin kapag mainit na ang mantika at kawali ay basagan ng konti ang itlog at dahan-dahang buksan ito sa paraan na direktang mapupunta ang itlog sa kawali nang hindi nababasag ang dilaw nito. Kailangan dahan-dahan, huwag kang pabig-bigla. Pagkatapos ay kumuha ng siyanse at gamitin ito upang paliguan ng mantikang nasa kawali ang ibabaw ng itlog hanggang sa maluto. Kung ayaw mong malasada ang dilaw ay maaari mo namang baliktarin ito upang maluto nang husto.
Sarciadong Kamatis
Sarsyadong itlog na may kamatis para sa taong hindi mo matiis-tiis. Maghiwa ng sibuyas at mga kamatis. Magbati ng itlog sa mangkok habang pinapainit ang mantika sa kawali. Unahing ilagay ang sibuyas sa kawali, igisa ito ng ilang minuto isunod ang kamatis at lutuin din ito hanggang lumambot pagkatapos ay ang binating itlog at asinan. Haluin depende kung gusto mo ng buo o durog. Ahunin kapag sa tingin mo ay luto na.
Nilagang Itlog
Nilagang itlog, tubig ang pinapakulo dito at hindi ang dugo. Ilagay lang ang itlog sa pakukuluang tubig sa kaserola at orasan ito ng 5-10 minuto, depende pa rin kung gusto mo ng malasado. Balatan bago kainin!
Article written by Camille Joy Regalado