Iba’t ibang PUJ group, hiniling sa pamahalaan na ipagpaliban muna ang modernization program

Umapela ang iba’t ibang samahan ng mga Public Utility Jeepney (PUJ) sa gobyerno na huwag munang ipilit ang modernization program ngayong panahon ng pandemic.

Sa virtual hearing ng House Committee on Metro Manila Development ay nagpahayag ng suporta ang mga grupong Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Transport Federation CODE (TFCODE) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa modernization program, ngunit mariin naman nilang tinututulan ang iba pang pagbabago tulad ng pag-iiba ng ruta, pagbuo ng kooperatiba, pagkakaroon ng bagong prangkisa at bridge management.

Giit nila, hindi ito kakayanin lalo na ng mga maliliit na operators na matagal nang ikinabubuhay ang jeepneys at Utility Vehicle (UV) express.


Sinabi naman ni Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon Chairman Atty. Vigor Mendoza, na problema rin ang hindi na pagpapautang ng mga government bank sa mga operators dahil mas inuuna ang mga ayuda para sa COVID-19 response and recovery.

Aniya, gustuhin man ng ilang operators at drivers na makasunod sa modernization program ay hindi ito kakayanin lalo pa’t apektado rin ang kanilang pamamasada ng COVID-19 pandemic.

Hindi na rin bumibiyahe ang mga jeepney dahil bukod sa isinusulong na modernisasyon na dagdag gastos ngayong may krisis, ay wala ring katiyakan ang kanilang kikitain dahil sa ipatutupad na 50% reduced seating capacity.

Humirit naman si Provincial Bus Operators Association of the Philippines Executive Director Alex Yague sa pamahalaan na payagan nang makabiyahe ang mga provincial buses at tulungan sila sa pamamagitan ng fuel at toll fee subsidy.

Facebook Comments