Posibleng magtigil pasada ang iba’t ibang transport group kung hindi sususpendihin ang excise tax sa langis at ang Oil Deregulation Law.
Nakatakda ang tigil-pasada ng mga ito simula sa Marso 15 kasabay ng lingguhang pagtaas ng produktong petrolyo.
Ayon sa National Public Transport Coalition na kinabibilangan ng 30 na grupo, hindi na kakayanin ng mga driver at operator na pumasada pa kung magkakaroon muli ng big-time oil price hike sa susunod na linggo.
Kabilang sa mga lalahok na transportasyon ay ang mga jeepney, TNVS, taxi, bus, UV Express, delivery service, at mga tricycle.
Samantala, hinimok naman ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) President Mody Floranda ang publiko na makiisa sa pagkalampag sa gobyerno na alisin ang excise tax, VAT, at Tax Deregulation Law dahil hirap na ang kanilang hanay sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo.
Suportado rin ng PISTON ang dagdag na piso sa minimum na pasahe sa jeep upang makatulong sa mga driver at operator.