Manila, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagbasura ng Sandiganbayan sa kasong sibil na inihain ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na naglalayong bawiin ang sinasabing nakaw na yaman mula kay Dating Pangulong Ferdinand Marcos at kanyang mga crony.
Sa 28-pahinang desisyon sa kaso ng Republic versus Cuenca, pinagtibay ng Supreme Court First Division ang desisyon ng Sandiganbayan noong August 5, 2010 na nauna nang nagbasura sa reklamo ng PCGG para sa reconveyance, reversion, accounting, restitution and damages na inihain nito laban sa mag-asawang Marcos at sa kanilang mga hinihinalang crony.
Iginigiit ng PCGG na sina Marcos at ang mga respondent na kinabibilangan nina Rodolfo Cuenca at anim na iba pa ay nagkamal ng ill-gotten wealth sa pamamagitan ng mga kontrata sa public works; pangungutang sa mga financial institution nang walang sapat na collateral kung saan dehado ang gobyerno; pagbili ng shares na maituturing walang halaga at pagtatayo ng mga korporasyon na sinasabing kontrolada ng mga Marcos at ng kanilang mga crony.
Ayon sa PCGG, ang pagkamal nila ng ill-gotten wealth ay maituturing na unjust enrichment na paglabag sa ilalim ng New Civil Code at kung saan ang nakompromiso ay ang interes ng taumbayan.
Pero sa desisyon ng Korte Suprema, idineklara nitong walang naging pagkakamali ang Sandiganbayan nang hindi nito pagbigyan ang hinihinging danyos ng PCGG at pagsamsam sa sinasabing ill-gotten wealth.