Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay FPA Regional Manager Leonardo Bangad, maaaring magdulot ng hindi maganda sa kalusugan ng isang tao ang labis na paggamit ng chemical pesticide na hindi naman dumaan sa tamang pagsusuri bago gamitin sa mga pananim na gulay.
Direkta aniyang ibinebenta ang smuggled pesticides sa mga magsasaka sa mga kanayunan na nagagawang itago ng mga nagtitinda nito.
Delikado kung maituturing ang mga ganitong pestisidyo dahil sa mga nakaimprentang Chinese word sa mga botelya na hindi nauunawaan ng mga magsasaka sa kanilang paggamit at posibleng magdulot ng malaking pinsala sa kalusugan.
Dagdag pa ni Bangad, hindi rehistrado sa FPA ang ganitong uri ng kemikal kaya’t panawagan ng ahensya sa publiko na huwag tangkiling bilhin ang mga ito na hindi dumaan sa tamang proseso.
Samantala, makikipagpulong naman ang FPA sa lokal na pamahalaan ng Kayapa upang makagawa ng hakbang at maiwasan ang pagkalat at paggamit ng kemikal sa mga pananim na gulay.
Sa mga nakalipas na taon, kinumpiska ng mga tauhan ng FPA ang illegal na pagbebenta ng pestisidyo.
Matatandaang kabilang ang Nueva Vizcaya sa mga lugar sa bansa na isinusulong ang Food Safety.