Jordan – Ibinida ni Philippine Ambassador to the Kingdom of Jordan Akmad Atlah Sakkam na may inasahang lalagdaan na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng Jordan na siyang magbibigay proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) partikular ang mga household workers dito sa Jordan.
Matatandaan na nagkaroon na ng kasunduan ang Pilipinas at Kuwait para mapangalagaan ang mga OFW doon at ngayon ay inaamyendahan na ang ilang batas sa Kuwait para maprotektahan ang mga migrant workers.
Ayon kay Sakkam, matagal nang nagkakaroon ng ibat-ibang kasunduan ang Pilipinas at Jordan sa paggawa o labor.
Sinabi ni Sakkan na batay sa impormasyong nakarating sa kanya ay mas maganda ang nilalaman ng inaasahang lalagdaang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Jordan.
Paliwanag ni Sakkam, kabilang sa mga pribilehiyo na ibibigay sakaling maipatupad ang inaasahang kasunduan ay magkakaroon ng karapatan ang mga OFW mag-practice ng sariling relihiyon, pagkakaroon ng access sa internet at cellphone, magluto ng kanilang sariling pagkain na mga wala sa ibang nabuong kasunduan ng Pilipinas sa iba pang bansa.
Nilinaw din naman ni Sakkam na napakabait ng mga Jordanian at mas mababa ang kaso ng pang-aabuso sa mga OFW kung ikukumpara sa iba pang bansa.