Ibinubugang sulfur dioxide ng Bulkang Taal, tumaas ayon sa PHIVOLCS

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) matapos na makitaan ng pagtaas ng ibinubugang sulfur dioxide ang Bulkang Taal kagabi.

Sa abiso ng PHIVOLCS, hindi bababa sa 10,718 tons ng volcanic sulfur dioxide ang inilabas ng bulkan kada araw na nagresulta ng volcanic smog o vog sa Taal Caldera.

Ang vog ay maliliit na droplet na binubuo ng volcanic gas gaya ng sulfure dioxide na acidic at maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract oras na malanghap.


Dahil dito, pinag-iingat ng ahensya ang mga indibidwal na may asthma, sakit sa baga, puso, matatanda, buntis at mga bata.

Pinayuhan din ang mga residenteng malapit sa bulkan na limitahan o umiwas muna sa mga outdoor activities, isara ang mga bintana, magsuot ng N95 facemask at uminom ng maraming tubig.

Nakataas pa rin ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal.

Facebook Comments