Biased nang itinuturing ng Palasyo ng Malacañang ang International Criminal Court matapos nitong ipagpatuloy ang preliminary examination sa war on drugs ng Administrasyong Duterte na inihain ng National Union of Peoples Lawyers o NUPL.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ipinakikita ngayon ng ICC na talagang pinanghihimasukan nito ang soberenya ng bansa kahit pa alam nilang nilalabag nila ang Rome Statute na siyang bumuo sa kanila.
Binigyang diin ni Panelo na kahit pa ipagpilitan ng ICC na mayroon itong hurisdiksyon sa bansa ay malinaw na batay sa Rome Statute ay maaari lamang imbestigahan ng ICC ang mga bansang hindi na umaandar ang judicial system na hindi naman aniya nangyayari sa Pilipinas.
Kaya naman hinamon ni Panelo ang mga kritiko ng administrasyon na isampa sa local na korte ang kanilang mga reklamo upang makita ng mga ito na talagang mayroon pang hustisya sa bansa.
Pero naniniwala parin naman si Panelo na hindi makakikita ng matitibay na ebidensiya ang mga kritiko na ang administrasyon nga ang nasalikod ng kaliwat kanang patayan sa bansa dahil sa kampanya laban sa iligal na droga.
Sinabi ni Panelo na hindi maaalis sa isip ng taumbayan na ang bakbang ng ICC na ito ay politically-motivated at naglalayong siraan hindi lamang ang administrasyon kundi ang republika ng Pilipinas.