
Nanawagan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na bawasan ang Levels of Authority (LOA) ng mga opisyal ng kagawaran sa pagbili at pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng civil works program.
Sa isang liham na may petsang October 4, 2025, ipinadala ng Komisyon kay DPWH Secretary Vince B. Dizon, inirekomenda nitong ibaba ng hindi bababa sa kalahati ang kasalukuyang limitasyon ng halagang maaaring aprubahan ng mga opisyal ng DPWH, na unang itinakda sa ilalim ng Department Order No. 195, series of 2022.
Ayon sa naturang kautusan, itinaas noon ang limitasyon ng procurement para sa civil works mula P100 milyon hanggang P150 milyon sa District Engineering Offices, at mula P300 milyon hanggang P400 milyon sa Regional Engineering Offices.
Layunin umano nito noon na mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyekto sa imprastraktura.
Ngunit matapos ang patuloy na imbestigasyon ng Komisyon sa mga proyekto ng DPWH, napag-alamang kailangang bawasan ang naturang authority upang masiguro ang mas mahigpit na kontrol at transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.
Partikular na inirekomenda ng Komisyon na ibaba ang LOA ng Regional Engineering Offices mula P400 milyon sa P200 milyon na lamang at ibaba ang LOA ng District Engineering Offices sa P75 milyon mula sa P150 milyon.
Ayon kay Justice Andres B. Reyes Jr. (Ret.), Chairman ng Komisyon, mahalagang agad ipatupad ang rekomendasyong ito upang matiyak ang mahusay at tapat na pamamahala sa mga proyekto ng DPWH.









