
Nasilip ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang ilang yate na umano’y inuugnay kay resigned Congressman Zaldy Co, kaugnay pa rin ng patuloy na imbestigasyon sa flood control anomaly.
Ayon kay Assistant Secretary Aboy Paraiso, chairman ng ICI Technical Working Group, kinikilala umano si Co bilang isa sa mga acknowledged owners ng isang korporasyong may-ari ng Misibis Bay Resort, Estates and Spa sa Bacacay, Albay.
Una nang iniugnay kay Co ang ilang air assets at luxury vehicles na kasalukuyan pang sinisilip ng ICI bilang bahagi ng kanilang pagsisiyasat.
Samantala, sinabi ni Paraiso na mahigit 140 indibidwal at 300 korporasyon na ang iniimbestigahan ng komisyon kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Mayroon na rin aniyang panibagong freeze order na inihahanda ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), bagama’t hindi pa malinaw kung sino-sino o aling mga kumpanya ang posibleng maapektuhan nito.
Giit ni Paraiso, patuloy pa ang beripikasyon sa aktuwal na pagmamay-ari ng mga korporasyong inuugnay sa isyu, at saka pa lamang sila maghahain ng pormal na hiling para sa freeze order.
Matatandaang pinabulaanan ng kampo ni Co ang mga naunang alegasyon, at iginiit na ang mga air assets na iniuugnay sa kanya ay pagmamay-ari umano ng Misibis Corp., na hiwalay anila sa dating mambabatas.










