Hiniling ni Albay Representative Joey Salceda kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na dagdagan ang Intensive Care Units (ICUs) at iba pang healthcare support sa lalawigan ng Albay.
Ito ay dahil nakararanas na ang Albay ng “big wave” o biglang pagtaas sa bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.
Sa memorandum na isinumite ng kinatawan sa Presidente ay umaapela si Salceda na tulungan sila para sa pagpapalawak ng healthcare capacity upang matugunan ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases at inaalerto rin ang IATF at National Task Force (NTF) sa posibleng panganib na maaaring dumagdag sa sitwasyon ng COVID-19 sa lalawigan.
Humihingi rin ng tulong ang Albay sa pamahalaan para maagapan at makontrol ang pinangangambahang super spreader event sa mga evacuation centers lalo na sa inaaasahang pagtama ng bagyong Dante ngayong linggo.
Nitong May 27 ay naitala ang pinakamataas na daily cases ng COVID-19 sa Albay kung saan 100% na ng ICUs na may severe cases ay okupado na sa ospital ng lalawigan.