Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Jonathan Galutera, PWD Officer ng Cauayan City, nakapag umpisa na aniya silang mamahagi ng bagong ID sa mga PWD members kung saan kulang-kulang tatlong libo ang kanilang dapat na isyuhan matapos itong maaprubahan ng City Government at National Council on Disability Affairs Office.
Nauna na aniyang nabigyan ng card type ID ang mga walk in clients sa tanggapan ng Persons with Disability Affairs Office o PDAO Cauayan sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan.
Paliwanag ni Galutera, ito na ang bagong kikilalaning Identification Card ng mga PWD sa Lungsod para sa kanilang transaksyon gaya ng pag-avail ng mga serbisyo at benepisyo. Ito ay para maiwasan rin aniya ang paglaganap ng mga gumagamit ng pekeng PWD ID.
Ang nasabing bagong ID ay mayroong safety QR code kung saan bago makapasok sa opisina ang isang may kapansanan ay kailangan muna nitong iiscan ang ID sa scanner para matukoy ang pagkakakilanlan at makita rin ang records ng kliyente.
Mandatory na rin aniya ito sa lahat ng mga PWD sa Lungsod na kung saan hihilingin na rin ni Galutera sa legal office ni Mayor Jaycee Dy Jr. na mag-isyu ito ng memorandum order na tanging ang Card Type PWD ID lamang ang kanilang kikilalanin at basis sa pagbibigay ng tulong.
Para naman sa mga kukuha ng PWD ID, kailangan lamang ibigay ang mga hinihinging requirements gaya ng dalawang piraso ng 1×1 picture; Certificate of Residency at medical certificate kung non-apparent ang disability.
Sa mga PWD naman na hindi na kayang makapunta sa PDAO na maaaring ipakuha ID sa representative basta kumuha lamang ng barangay certification na nagpapatibay bilang representative ng nagpapakuha ng ID.
Makukuha rin agad ang bagong ID at libre itong ibinibigay ng lokal na pamahalaan.