ID SYSTEM | PSA, handa na sa pagpapatupad ng National ID System

Manila, Philippines – Handa na ang Philippine Statistics Authority (PSA) para sa implementasyon ng Philippine Identification System o PhilSys Act.

Sabi ni Lady Tuble, bubuo sila ng isang konseho mula sa mga kinauukulang ahensya para magbalangkas ng mga hakbang sa pagpapatupad ng naturang batas sa bansa.

Pangungunahan aniya ito ni NEDA Secretary Ernesto Pernia na siya namang tatayo bilang chairman habang si PSA Undersecretary Lisa Grace Bersales naman ang magiging co-chairman ng konseho.


Aniya, nakatakda silang magpulong sa August 15 (Miyerkules) para pag-usapan ang mga plano sa epektibong pagpapatupad ng ID System.

Bukod dito aniya, inihahanda na rin nila ang pagbuo sa draft ng Implementing Rules and Regulation (IRR) ng PhilSys law at saka ito ikokonsulta sa mga PSPCC member, Office of the Solicitor General, UP Diliman College of Law bago ito ilabas.

Dagdag pa ni Tuble, ngayong 4th quarter ng taon nila target sa ilang rehiyon sa bansa ang registration process para sa ID System bago ang limang taong implementasyon nito na magsisimula sa susunod na taon.

Facebook Comments