Tinutulan ni Vice President Leni Robredo ang panukalang alisin na ang mga licensure examination para sa mga nurse at iba pang propesyon.
Ayon kay Robredo, hindi pwede na basta lang tatanggalin ang mga licensure exam dahil dito nakikita ang kahandaan ng isang indibidwal sa propesyon na pinili nito.
Aniya, dapat na i-overhaul o pag-aralang mabuti ang buong education system kung tatanggalin ang licensure exams.
“Pinagdadaanan yun kasi may purpose, at yung purpose ite-test kung handa ka ba na maging doktor, handa ka ba na maging accountant, maging nurse. Kung seryoso tayo na ayaw na natin na may mga professional regulatory exams, kailangan pag-aralan natin yung buong education system na nagpo-produce ng mga ganitong… di ba?” ani Robredo.
“So, kung hindi na mag-e-exam, yung higpit sa pag-aaral, dapat gawin na. Pero hindi pwedeng basta mo lang tatanggalin.”
Una rito, pinalutang ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang ideyang alisin na ang mga bar at board exams dahil nagiging dagdag gastos lamang ito.
Pero agad ding kumambyo ang kalihim at nilinaw na nais lamang niyang pag-aralan ng Professional Regulation Commission (PRC) kung maaaring alisin ang mga ganitong pagsusulit.