IGINIIT | Airport officials, nagkulang sa pag-asikaso sa mga pasaherong naapektuhan ng aberya sa NAIA

Manila, Philippines – Malinaw para kay Committee on public Services Chairperson Senator Grace Poe na nagkaroon ng pagkukulang ang mga opisyal ng paliparan sa pag-aasikaso sa halos 250,000 pasahero.

Ang nabanggit na mga pasahero ay na-apektuhan ng aberya sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA matapos sumadsad ang Xiamen aircraft noong August 16 ng gabi.

Diin ni Poe, hindi lamang dapat nakatutok ang Manila International Airport Authority o MIAA sa pag-asikaso sa nagkaproblemang eroplano.


Katwiran ni Poe, dapat ay kinalinga din ang mga pasahero at binigyan ng pagkain at inumin.

Pinuna din ni Senator Poe ang kawalan ng presensya ni Transportation Secretary Art Tugade sa paliparan habang nireresolba ang insidente gayundin ang kawalan ng kinatawan ng mga airline companies sa binuong crisis management committee.

Sa pagdinig ng Senado ay ipinaliwanag naman ni Tugade, na kahit wala sya sa paliparan, ay ‘on top of the situation’ sya at regular na nakipag-ugnayan kay MIAA General Manager Ed Monreal.

Sa kabila nito ay hindi pa mairekomenda ni Senator Poe na palitan ang liderato ng DOTr at mga airport officials.

Facebook Comments