Sa gitna ng usapin ng mga natagpuang magnetic lifters sa Cavite na di umano ay may lamang iligal na droga na nakalusot sa Customs, iginiit ngayon ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na hindi niya sisirain ang kaniyang pangalan para lamang pagtakpan ang mga nais magpuslit ng droga papasok ng bansa, kagaya ng ibinibintang sakaniya.
Paninindigan ni Lapeña, walang traces ng iligal na droga ang nakita sa magnetic lifter na natagpuan sa Cavite.
Bagama’t magkahawig aniya ang magnetic lifters na nakitaan ng shabu noon sa MICP, nagmula raw ito sa Malaysia, habang ang mga lifters naman na natagpuan sa Cavite ay nagmula sa Vietnam.
Ayon kay Lapeña, 34 na taon na siya sa trabahong ito at hindi niya dudungisan ang kaniyang pangalan para sa kapakanan ng iba.
Mas lalong hindi niya aniya sisirain ang kaniyang pangako kay Pangulong Rodrigo Duterte na tuldukan ang korupsyon sa Customs.
Sa naging rebelasyon naman ni former Customs X-ray Chief Atty. Lourdes Mangaoang, ikinagulat raw niya na maging ito ay may pahayag laban sakaniya.
Inamin naman nito na mayroon ngang X-ray images na ipinakita sakaniya bago ang pagdinig sa kongreso, ngunit nanindigan ito na walang laman na iligal na droga ang magnetic lifters. (X-ray Chief Zsae de Guzman)
Ayon kay Lapeña, hanggat maaari sana ay ayaw na niyang magsalita tungkol sa usaping ito dahil may mga imbestigasyon na kaugnay dito. Ngunit kailangan aniya niyang depensahan ang kaniyang pangalan at maging ng mga nagtatrabaho sa Customs na wala namang ginagawang mali.
Kaugnay nito, muling binigyang diin ni Lapeña na kaisa sila ng Philippine Drug Enforcement Agency sa paglaban sa iligal na droga. Hindi aniya niya sinisisi ang PDEA sa usaping ito at posibleng, nailigaw lamang sila.
Naniniwala si Lapeña, na ang mga isyung pilit na ibinabato sa kaniya, ay kagagawan ng mga drug syndicate na kanilang nasagasaan sa laban kontra iligal na droga.