Manila, Philippines – Naghain ng Motion for Reconsideration (MR) sa Korte Suprema ang kampo ni Senadora Leila de Lima para payagan siyang makadalo sa August 28 oral arguments kaugnay ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay matapos na unang ibasura ng Supreme Court (SC) ang nasabing hirit ni De Lima.
Iginiit ni De Lima na nais niyang personal na makalahok sa deliberasyon sa oral arguments bilang isa sa petitioners.
Una nang hiniling sa Korte Suprema ng anim na opposition senators na ipagpaliban muna ang oral arguments sa withdrawal ng Pilipinas sa ICC dahil hindi pa nila natatanggap ang Supreme Court decision na nagbabasura sa kahilingan ni De Lima.
Noong Martes, August 14 sana ang oral arguments sa nasabing usapin subalit pinagpaliban ito sa August 28.