Nagpabaya umano ang Department of Education (DepEd) kaya humantong sa pagsasagawa ng rescue mission ng grupo nina dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo.
Ayon kay Anakpawis Partylist Congressman Ariel Casilao, hindi inaksyunan ng DepEd ang pwersahang pagpapasara ng AFP sa mahigit sampung eskwelahan ng mga Lumad sa Talaingod Davao del Norte.
Kasunod ito ng ginawang pagpasok ng grupo nina Ocampo sa lugar at nagsagawa ng anila ay rescue mission sa mga kabataang Lumads.
Sinabi ni Casilao na maraming beses na silang nakipag-ugnayan kay DepEd Secretary Leonor Briones pero walang tugon ang opisyal dahil sa umano ay usaping pangseguridad.
Taong 2014 pa aniya ay nakikiusap na sila sa mga naging kalihim ng DepEd para pumasok sa usapin subalit ipinapasa lagi sa Department of National Defense (DND) ang paghawak sa kaso.
Giit ni Casilao, walang kasalanan at walang nilalabag na anumang batas ang grupo ni ka Satur dahil makatao ang kanilang layunin para iligtas at bigyan ng nararapat na ayuda ang mga residente lalo na sa hindi na nakapag-aaral na mga kabataan.
Naniniwala si Casilao na kasabwat ang DepEd sa iba pang ahensya ng gobyerno at AFP para gipitin ang mga katutubo sa bahagi ng Mindanao.