Iginiit ni Senator Win Gatchalian sa National Electrification Administration o NEA na gamitin ngayon ang electric cooperatives emergency and resiliency fund.
Ito ay para tulungan ang mga electric cooperatives at power consumers na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng napakalakas na bagyong Ompong.
Ayon kay Gatchalian, maaring gamitin ng electric cooperatives ang nasabing salapi para sa pagsasaayos ng mga linya ng kuryente at iba pang power infrastructure na sinira ng bagyo.
Ang nabanggit na pondo ay binuo base sa itinatakda ng Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong June 29, 2018.
Pinaglaanan ito ng P750 million na mula sa P7 billion na national disaster risk reduction and management fund.