Iginiit nila ACT Teachers Rep. France Castro at Anakpawis Rep. Ariel Casilao na dapat mapanagot din sa batas ang ibang myembro ng pamilyang Marcos.
Ito ay kasunod ng pagbaba ng hatol ng Sandiganbayan 5th Division na ‘guilty beyond reasonable doubt’ si dating first Lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa pitong bilang ng kasong graft at nahaharap ito sa anim hanggang 11 taon na pagkakakulong at perpetual disqualification sa public office dahil sa pagbuo ng private organization sa Switzerland habang humahawak ng iba’t-ibang posisyon sa gobyerno.
Giit ni Castro, dapat na maparusahan na rin ang iba pang pamilyang Marcos na nanamantala sa posisyon at lumustay sa kaban ng bayan.
Sinabi ng kongresista na nararapat lamang ang ibinabang hatol ng Korte laban sa dating first lady.
Pero, nanghihinayang ang mambabatas dahil napakatagal bago naibigay ang hustisya para sa mga Pilipino.
Umaasa naman si Casilao na magsisilbing ‘precedent’ ang hatol sa dating first lady para habulin ang pamilya at mga kamag-anak ng mga Marcoses kaugnay sa nakaw na iligal na yaman.
Inihalimbawa naman ng mambabatas ang pagpapanagot kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos na inirekomenda ng House Committee on Good Governance na kasuhan ng plunder dahil naman sa iligal na paggamit ng tobacco excise taxes sa pagbili ng mga sasakyan para sa provincial government.