Manila, Philippines – Sapat ang estado ng kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte para magampanan ng maayos ang kanyang trabaho kahit pa may mga medical procedures itong pinagdadaanan.
Ito ang binigyang diin nina Senate President Tito Sotto III, Senate President Protempore Ralph Recto at Senator Koko Pimentel.
Paliwanag ni Sotto, sa edad ni Pangulong Duterte ay natural lang na may medical tests itong dapat daanan tulad ng colonoscopy at endoscopy.
Aminado naman si Senator Recto na maging siya ay may mga medical procedures din na dinadaanan taun taon at nakakasiguro din siyang isasapubliko ng palasyo ang kalagayan ng kalusugan ng Pangulo.
Nakakasiguro naman si Senator Pimentel na okay ang Pangulo dahil palagi niya itong nakakaharap at sa dami din ng mga lugar sa bansa na kinakaya nitong puntahan sa edad na 72-anyos.
Ipinaliwanag din ni Pimentel na hindi naman lahat ng detalye patungkol sa kalusugan ng Pangulo ay dapat i-anunsyo maliban na lang kung may seryoso itong karamdaman.