Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Sonny Angara ang agarang pagpasa ng Senate Bill 1157 o ang panukalang medical scholarship program na tutugon sa kakulangan ng mga doktor sa buong bansa.
Ipinunto ni Angara na base sa record ng Philippine College of Physicians ay dalawa hanggang tatlong doktor, nurse at midwives lamang kada 10,000 mga Pilipino ang meron tayo.
Ayon kay Angara, malayong malayo ito sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na dapat ay hindi bababa sa 23 doctors, nurse at midwives ang nakalaan para magkaloob ng agarang serbisyong medikal sa bawat 10,000 katao.
Diin ni Angara, ito ang dahilan kaya tatlo sa bawat limang Pilipino na namamatay ay hindi na nakakapagpasuri pa sa doktor.
Sinabi ni Angara na bukod dito ay bigo din ang Pilipinas na makamit ang ratio na 1 Psychiatrist sa bawat 50,000 populasyon.
Ito ay dahil lumalabas sa record na mayroon lamang 490 psychiatrists sa bansa o isang psychiatrist sa bawat 250,000 mga Pilipino.
Sa panukala ni Angara, ipagkakaloob ng libre ang matrikula at lahat ng gastos sa pag-aaral ng sinumang nais maging doktor sa mga probinsya kapalit ng ilang taong paninilbihan nito sa bansa kapag nakapagtapos na.