IGINIIT | Kalayaan mula sa China at mga banta sa ating soberanya, iginiit ng mga opposition senators

Manila, Philippines – Kasabay ng pagdiriwang ngayong Araw ng Kalayaan ay iginiit ni Senator Bam Aquino na maging malaya tayo mula sa China.

Kasunod ito ng reklamo ng mga mangingisdang Pilipino sa panatag o Scarborough Shoal na kinukuha ng Chinese coast guard ang kanilang mga nahuhuling isda.

Tanong naman ni Senator Kiko Pangilinan, malaya na tayo pero bakit naglulumuhod ang ating mga pinuno sa isang karatig-bansa kahit ikinakapinsala na ito ng ating sariling mamamamayan, ng ating karagatan, at ng ating respeto sa sarili?


Giit ni Pangilinan, dapat panindigan natin ang kalayaang ipinaglaban at pinagbuwisan ng buhay ng ating mga bayani.

Ayon kay Pangilinan, pangunahin dito ang kaligtasan at kalayaan sa pamamahayag ng saloobin, pananampalataya at pulitikal na paniniwala ng mamamayan, gayundin ang kalayaan ng mga mangagawa, mga kabataan at mga mahihirap sa patas na oportunidad para umunlad.

Binigyang diin pa ni Pangilinan ang kalayaan mula sa mga banta o paglabag sa ating soberenya, teritoryo, yaman, at at kaligtasan natin bilang bansa.

Ipinunto naman ni Senator Leila De Lima na kalayaan ba ang pagkakaroon ng isang gobyernong duwag sa isyu ng pang-aagaw sa ating teritoryo, pero napakatapang naman sa pagbusal sa bibig ng mga kritiko at pagsupil sa malayang pamamahayag?

Dagdag pa ni De Lima, kalayaan ba ang pambabastos at pagyurak sa dignidad ng kababaihan, at garapalang pagbalewala sa karapatan ng mga maralitang pinapatay na nga sa gutom at kahirapan ay kinikitil pa ng karahasang inuudyukan mismo ng pamahalaan.

Facebook Comments