Manila, Philippines – Para kay Senator Francis Kiko Pangilinan, malinaw na pang-aalipusta sa maliliit na magsasaka ang utos ng Department of Public Works and Highway o DPWH na ikulong at pagmultahin ang mga nagpapatuyo ng palay sa mga national road.
Diin ni Pangilinan, ang nabanggit na hakbang ng DPWH ay nagpapakita din ng kakulangan ng kaalaman sa tunay na kalagayan ng mga magsasaka.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na kung may public mechanical drying systems, lalo na yung gumagamit ng libreng solar energy, ay hindi na magpapatuyo sa sementadong kalye ang mga magsasaka dahil hindi ito efficient at maraming naaaksayang palay.
Giit naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, hindi solusyon na ikulong at pagmultahin ang mga magsasakang napipilitang magbilad ng palay sa national highway.
Ayon kay Recto, ang dapat gawin pamahalaan ay bigyan ang mga magsasaka ng alternatibong bilaran.
Tinukoy ni Recto na ang bahagi ng makokolekta mula sa rice tariffication ay dapat ipantustos sa post-harvest facilities tulad ng mga dryers o pantuyo ng palay.