Manila, Philippines – Para kay Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva, hindi dapat ikumpara ang sitwasyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa mga dayuhang ilegal na nagtatrabaho sa ating bansa.
Reaksyon ito ni Villanueva sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat maghinay-hinay sa pagpapalayas o deportasyon ng illegal foreign workers dahil ang mga manggagawang Pinoy sa ibayong dagat ay tinatrato ng maayos.
Pero paliwanag ni Villanueva, ang mga manggagawang Pilipino ay may dekalidad na kakayahan sa household service, construction at factory services na hindi taglay ng mamamayan sa ibang bansa.
Diin ni Villanueva, hindi ito mahahalintulad sa mga dayuhang ilegal na nagtatrabaho sa bansa at umaagaw sa mga trahaho na dapat sana ay para sa mga Pilipino.
Ayon kay Villanueva, isa ito sa dahilan kaya nitong buwan ng Setyembre ay umakyat na sa 9.8 milyon ang mga Pinoy na walang trabaho.
Giit pa ni Villanueva, dapat pahigpitin ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Immigration (BI) ang pagbabantay at pagpapatupad ng tamang proseso sa pagpasok ng mga dayuhang manggagawa.