Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Nancy Binay sa mga paaralan na bumuo ng programa para sa prevention, intervention, evaluation, at treatment ng mga mag-aaral na lulong sa ipinagbabawal na gamot at iba pang bisyo tulad ng sigarilyo at paglalasing.
Giit ni Binay, mas mainam ito sa halip na magsagawa ng random drug testing sa mga eskwelahan.
Ang mungkahi ni Binay ay nakapaloob sa inihain niyang Senate Bill 2077 o “An Act Establishing a Comprehensive Substance Abuse Educational Program in Every School.”
Sa panukala ni Binay ay inaatasan ang Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH) at Dangerous Drugs Board (DDB) na magtulungan para sa paglalatag ng nasabing programa.
Layunin ng nito na matulungan ang mga magulang at kanilang mga anak na lulong sa droga at iba pang bisyo.
Mahigpit ding itinatakda sa panukala ang confidentiality o pagiging sekreto sa pagkakakilanlan at iba pang impormasyon ukol sa mga estudyante na positibo sa alcohol and drug abuse.