Iginiit ni Senator Grace Poe ang pagsantabi sa planong pagtataas sa terminal fee o passenger service charge sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Diin ni Poe, bago ito gawin ay dapat munang pagbutihin ng Manila International Airport Authority o MIAA ang nararapat na serbisyo sa mga pasahero ng paliparan.
Ipinunto ni Poe na hindi pa nga nareresolba ang mga problemang lumutang ng sumadsad ang Xiamen Airline kung saan naparalisa ang operasyon ng paliparan ng 36-oras.
Ipinaalala ni Poe ang mga sinabi ng mga na-stranded na pasaherong tumestigo sa pagdinig ng Senado na napakagulo ng sitwasyon at hindi sila naasikaso ng maayos noon.
Katwiran pa ni Poe, dapat din ay magkaroon muna ng totoong public consultations bago itaas ang terminal fee.
Binanggit pa ni Poe na umaabot na ngayon sa milyun-milyong piso ang hindi pa naibabalik na terminal fee sa mga pasahero.