Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na malabong maulit ang martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa panunungkulan ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dahil sa 1987 constitution ay malayo nang maulit ang nangyari noong rehimeng Marcos.
Matatandaan kasi na noong martial law ni dating Pangulong Marcos ay binuwag nito ang Kongreso, walang umaandar na indipendeng hukuman at ang Pangulo ng bansa ang pinakamakapangyarihan.
Paliwanag ni Roque, batay sa 1987 constitution ay hindi maaaring ipasara ng Pangulo ang Kongreso at ang mga hukuman kahit pa magdeklara ito ng batas militar.
Lalo pa aniya ay mayroong kapangyarihan ang Kongreso na ipawalang bisa ang deklarasyon ng Pangulo ng martial law kung mapatutunayang wala namang basehan ang deklarasyon.
Dahil aniya dito ay talagang wala talagang posibilidad na maulit ang dating nangyari.