IGINIIT | Rice Tariffication Bill, idinepensa nina Sen. Gatchalian, Villar

Manila, Philippines – Iginiit nina Senators Cynthia Villar at Win Gatchalian na makakatulong ang rice tariffication bill sa mamamayan sa harap ng tumataas na inflation rate o presyo ng mga bilihin.

Tugon ito ni Gatchalian at Villar sa pangamba na papatayin ng rice tariffication bill ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Paliwanag ni Villar, daan ang rice tariffication bill para maisulong ang pagmomodernisa ng pagsasaka para maging self-sufficient ang bansa sa bigas.


Base sa panukala, papatawan ng 35 percent duty ang bigas mula sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations at 50 percent naman sa mga bansang hindi nito kasapi.

Sabi naman ni Senator Gatchalian, sa 35 percent na tariff rate ay makakatipid ng P13.41 kada kilo ng bigas ang bawat pamilya.

Ipinunto ni Gatchalian na P30.02 kada kilo lang kasi ang halaga ng bigas mula sa Thailand, habang P28.59 pesos per kilogram naman ang presyo ng Vietnamese rice.

Mas mura aniya ang mga ito kumpara sa halaga ng bigas natin ngayon na umaabot na sa P42 kada kilo.

Facebook Comments