Naniniwala ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kung maisasabatas ang mandatory Reserve Officer’s Training Corps o ROTC program ay malaki ang maitutulong nito para matigil ang mga isinasagawang recruitment ng New Peoples Army (NPA) sa mga eskwelahan.
Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, bukod sa matitigil ang recruitment ng NPA sa mga eskwelahan, napakalaking bagay ang maitutulong ng bagong format ng ROTC sa mga estudyante kung gagawin itong mandatory.
Aniya isa sa mga subject na matutunan nila sa ilalim ng ROTC program ay may kinalaman sa banta at national security ng bansa.
Mabibigyan rin aniya ng kamalayan ang mga estudyante upang mas maging makabayan sa pamamagitan ng mandatory ROTC program.
Una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais nyang ipasa sa Kongreso ang batas na obligahin na rin ang mga estudyante mula sa grade 11 hanggang grade 12 na sumailalim sa ROTC program.