IGINIIT | Sen. Angara, binalaan ang BOC laban sa pagkalkal ng mga balikbayan boxes

Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Sonny Angara sa Bureau of Customs o BOC ang mahigpit na pagpapatupad ng customs modernization and tariff act.

Diin ni Angara, malinaw sa nasabing batas na hindi pwedeng basta nalang bubuksan at kakalkalin ang mga balikbayan box.

Ayon kay Angara, ang nasabing batas ay tugon sa reklamo ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs na pagkawala o pagkasira sa mga laman ng ipinapadala nilang balikbayan box para sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.


Paliwanag ni Angara, base sa implementing rules ng batas, sa halip na kalkalin ang balikbayan boxes sa pag-iinspeksyon ay idadaan na lang ang mga ito sa CCTV at baggage x-ray machine.

Nakapaloob din sa batas na walang babayaran na taxes and duties ang mga balikbayan box na hindi lalagpas sa P150,000 ang halaga ng laman.

Facebook Comments