Manila, Philippines – Iginiit ni Committee on Justice and Human Rights Chairman Senator Richard Gordon na hindi na dapat binabanggit ng Philippine National Police o PNP ang kinaanibang relihiyon o pananampalataya ng mga suspek.
Diin ni Gordon, wala namang kinalaman ang alinmang relihiyon o pananampalataya sa nireresolbang kaso o krimen ng mga otoridad.
Ipinaliwanag ni Gordon na ang ganitong labeling ay paglabag sa constitutional right para sa malayang pananampalataya na maaring magdulot ng maling reputasyon sa kinauukulang relihiyon.
Ayon kay Gordon, ilan sa kanyang mga constituents ay inirereklamo ang ganitong napakasamang nakasanayan ng ating mga law enforcers na paghahayag kung saang relihiyon kasapi ang mga suspek sa krimen.
Katwiran ni Gordon, ito ay ilegal, hindi katanggap-tanggap at maaring magdulot ng pagkakawatak-watak sa ating lipunan.