IGINIIT | Train law, bibigyan muna nang pagkakataong maipatupad ng husto – ayon sa ilang kongresista

Manila, Philippines – Iginiit ng ilang mga kongresista sa Kamara na huwag munang suspendihin ang implementasyon ng tax reform for acceleration and inclusion o TRAIN law.

Ang panawagan ay sa gitna na rin ng pag-alma ng ibat ibang sektor dahil sa biglang pagtataas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo na resulta ng TRAIN.

Ayon kina 1-CARE Partylist Representative Carlos Roman Uybarreta at Surigao Del Norte Congressman Robert Ace Barbers, dapat na bigyan muna ng panahon na maipatupad nang husto ang TRAIN Law.


Paliwanag dito ni Barbers, wala pang isang taon nang maipatupad ang TRAIN at hindi makatwirang husgahan ang batas dahil dumaan naman ito sa pag-aaral ng Kongreso.

Sa panig naman ni Uybarreta, mayroong ibang factors na nakakaapekto sa pag taas ng presyo ng bilihin, langis at serbisyo na hindi kontrolado ng gobyerno.

Dagdag pa ni Uybarreta, hindi dapat mangamba ang publiko dahil mayroon namang safety net sa TRAIN Law kung saan isususpinde ang excise tax sa produktong petrolyo kapag pumalo ang presyo nito sa $80 per barrel sa loob ng tatlong mag-kakasunod na buwan.

Facebook Comments