Manila, Philippines – Hindi totoo na magkakaroon ng giyera kapag nagreklamo ang Pilipinas sa tila ginagawang pang-aangkin ng China sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang reaksyon ni Vice President Leni Robredo makaraang sabihin ni Pangulong Duterte na dapat tanggapin na lang ng Estados Unidos na hawak ng China ang ilang teritoryo sa West Philippine Sea.
Kung tutuusin aniya, may desisyong pinanghahawakan ang Pilipinas mula sa UN Permanent Court of Arbitration pero hindi naman ito ginagamit.
Habang ang ibang bansa tulad ng Vietnam na walang pinanghahawakang desisyon mula sa arbitral tribunal, may ginagawang hakbang laban sa China.
Para kay Robredo, lalong mawawala ang karapatan ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo kung hindi magsasalita ang gobyerno.
Giit niya, mahalagang ipaglaban ng Pilipinas ang karapatan nito dahil nakataya rito ang kabuhayan ng mga Pilipino at kasarinlan ng bansa.