IIMBESTIGAHAN | DFA, iniimbestigahan na ang umano’y pagpapakamatay ng 2 OFW sa Saudi Arabia at Lebanon

Nakipag-ugnayan na ang mga embahada ng Pilipinas sa Lebanon at Saudi Arabia para mag-imbestiga sa kaso ng umano ay suicide ng dalawang OFW kamakailan.

Kasabay nito, tiniyak ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano sa pamilya ng mga Pinay worker na mabibigyang linaw ang kaso ng mga ito bago maihatid bansa ang kanilang mga labi.

Batay sa naunang ulat, tumalon umano mula sa ika-anim na palapag ng pinagta-trabahuang apartment sa Beirut, Lebanon ang 35-anyos na hindi pa pinapangalanang OFW mula Cagayan noong June 11.


Habang natagpuang nakabigti ang isang 40-anyos na Pinay worker mula Agusan del Sur sa bahay ng kanyang amo sa Al Hasa, Saudi Arabia noong sumunod na araw.

Sabi ni Ambassador Bernardita Catalla sa Beirut, walong buwan pa lang na nagta-trabaho ang Pinay worker sa Lebanon na may naiwang tatlong anak sa kanyang probinsya.

Habang tatlong taon nang naninilbihan sa kanyang amo ang biktima sa Saudi, ayon naman kay Riyadh Ambassdor Adnan Alonto.

Sa ngayon ay hinihintay na lang ang autopsy ng dalawang bangkay para matukoy kung nagkaroon nga ba ng foul play sa kanilang pagkamatay.

Facebook Comments