Tuesday, March 10, 2026

Pagtalakay at botohan kung sufficient in substance ang impeachment complaint laban kay VP Sara, itutuloy bukas

Natapos na ang pagtalakay ng House Committee on Justice ukol sa ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na inihain ng grupo ng mga pari, madre at abogado at inendoros ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima.

Bukas gagawin ng komite ang botohan kung ang reklamo ay sufficient in substance.

Kabilang sa constitutional grounds ng reklamo ang culpable violation of the constitution, bribery, graft and corruption, other high crimes at betrayal of public trust.

Nakapaloob dito ang mga alegasyon ng maling paggamit ni VP Sara ng confidential funds at bribery sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd).

Kasama rin ang pagkuha ng umano’y papatay kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., First Lady Liza-Araneta Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Kinontra naman ito ni Quezon City Rep. Bong Suntay sa katwirang hindi naipresenta ang alleged gunman, buhay pa ngayon si PBBM at common sense din na kung seryoso na gustong ipapatay ang isang tao ay hindi aniya ito iaanunsyo sa buong mundo.

Ayon naman kay Negros Oriental Rep. Janice Degamo, ang pagbabanta sa buhay ay sufficient in substance at inihalimbawa niya ang nangyaring pagpatay sa kanyang mister na si dating Gov. Roel Degamo na una ring nakatanggap ng mga pagbabanta.

Kasama rin sa mga akusasyong nakapaloob sa reklamo kay VP Sara ang pagkakaroon umano nito ng unexplained wealth at hindi pagdeklara ng lahat ng yaman at ari-arian nya sa Statement of Assets, Liabillities and Networth (SALN).

Sa deliberation ngayong araw ay inilabas din sa komite ang ilang video mula sa naging pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 19th Congress.

Facebook Comments