IIMBESTIGAHAN | Marahas na dispersal sa mga manggagawa sa isang pabrika sa Bulacan pinaiimbestigahan na

Bulacan – Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) sa marahas na dispersal sa mga manggagawa ng isang pabrika ng pagkain sa bahagi ng Marilao, Bulacan kamakalawa.

Ito ay matapos na magsagawa ng protesta sa harap ng pabrika ng Nutri Asia ang may tatlongdaang manggagawa nito makaraang hindi sundin ang kautusan ng DOLE na gawing regular sa trabaho ang nasa walumpung manggagawa nito na una nang sinibak.

Ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Benigno Durana, ikinalungkot nila ang nangyaring girian sa pagitan ng mga security personnel at rallyista na ikinasugat ng ilan sa mga ito kabilang na ang isang lola na nag-viral pa sa social media.


Sinabi ni Durana, tungkulin nilang mga pulis na mamagitan sa mga sigalot at tiyaking mapayapa ang pagsasagawa ng mga pagkilos.

Matatandang nasa labing siyam na manggagawa at tagasuporta nito ang inaresto makaraang sumiklab ang gulo sa pagitan nila at mga awtoridad nang subukang itaboy ang mga ito.

Kaya naman, inatasan na ng PNP ang internal affairs service ng Police Regional Office 3 para tignan kung may mga naging paglabag sa panig ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng police operational procedures.

Sakaling mapatunayang mayruong nagmalabis sa panig ng mga pulis o security guards ay dapat itong parusahan sa ilalim ng batas at mga panuntunan ng PNP.

Umaasa naman si Durana na sa pangyayaring ito na mapagtanto ng mga employer ang tamang paraan para maibigay ang benepisyong nararapat para sa kanilang mga manggagawa.

Facebook Comments