IIMBESTIGAHAN | Mga dietary supplements at sports drink na nagtataglay ng mga ipinagbabawal na substance, pinasisiyasat ng isang kongresista

Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan ni House Committee on Youth and Sports Chairman at Antipolo Representative Christina Roa-Puno ang bentahan ng dietary supplements at sports drink na nagtataglay ng substance na ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency o WADA.

Naghain ng House Resolution 1915 si Roa-Puno na layong suriin ang ipinapatupad na regulasyon at batas kaugnay sa pagbebenta ng mga dietary supplements at sports drink.

Layunin nito na mapigilan ang mga atleta na makainom ng mga dietary supplements na may WADA-banned substance.


Importante aniya na ma-educate ang mga atleta, coaches, team managers, health professionals at iba pang stakeholders sa mga dietary supplements at drinks na ipinagbabawal ng WADA.

Ayon kay Roa-Puno, hindi alam ng marami sa bansa ang mga ipinagbabawal na substance ng WADA tulad ng nangyari sa basketball player na si Kiefer Ravena matapos na uminom ng pre-workout drink.

Nagpositibo si Ravena sa mga ipinagbabawal na substance na 4-methylhexan-2-amine,1,3dimethylbutylamine at higenamine.

Facebook Comments