Manila, Philippines – Magsasagawa ang Department of Justice (DOJ) ng hiwalay na imbestigasyon sa mga public prosecutor na nadadawit sa pagpuslit ng alahas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay matapos pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing mga piskal na kanyang pinaiimbestigahan dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian.
Ang apat na piskal ay sina Prosecutor Samina Sampaco Macabando-Usman, Villanueva, at Assistant Prosecutor Florenzo Dela Cruz, Pasay City Prosecutor Benjamin Lanto, Inquest Prosecutor Clemente.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang imbestigasyon sa mga nasabing piskal ay hahawakan ng DOJ-Internal Affairs Unit.
Partikular aniyang tututukan sa imbestigasyon ng DOJ ang kasong administratibo na maaring kaharapin ng mga piskal.
Nag-ugat ang kontrobersiya laban sa mga nasabing piskal makaraan nilang pakawalan at iutos na isailalim sa full blown preliminary investigation ang mag-asawang sina Abraham Mimbalawag at Bang-sa Mimbalawag gayundin ang NAIA Customs Operations Officer na si Lomontod Macabando na hinihinalang sangkot sa sindikato ng jewelry smuggling.