Manila, Philippines – Ipinauubaya na ng pamunuan ng Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa pananambang sa limang PDEA agents sa Lanao Del Sur nang nakalipas na linggo.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Benigno Durana, nais nilang maging patas ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente kaya nagkasundo na ang PDEA at PNP na NBI na ang magimbestiga.
Tutukuyin aniya ng NBI kung sinadyang iwanan ng mga pulis ang mga nasawing PDEA agents habang pinagbabaril ng mga suspek.
Giit ni Durana hindi nila kukunsintihin ang anumang maling gawaing ng kanilang mga miyembro kung mayroon man kaya habang iniimbestigahan ang insidente ay sinibak muna sa pwesto ang apat na pulis na nasasangkot sa insidente.
Matatandaang sa pananambang limang PDEA agents ang napatay at isang Non Uniformed Personnel ang sugatan.
Galing umano ang mga biktima sa bayan ng Tagoloan Marawi City matapos magsagawa ng isang anti drug campaign pero nang pauwi ang mga ito habang sakay puting toyota van nang pagsapit nila sa brgy Malna ay dito na sila pinagbabaril ng mga salarin.