Tugegarao City, Cagayan – Lumalabas na iisang baril ang ginamit sa mahigit dalawang kaso ng pamamaslang na nangyari sa mga nakalipas na buwan sa Tuguegarao City.
Ito ang ibinahagi ni P/SSupt Edward Guzman, hepe ng PNP Tuguegarao sa panayam ng RMN Cauayan News sa kanya.
Kanyang sinabi na lumabas ito sa pagsusuri ng PNP Crime Lab ng PNP Region 2 sa mga nabawing slugs sa mga riding in tandem cases sa lungsod.
Magugunita na may mga prominenteng personalidad na pinatay ng riding in tandem sa Tuguegarao City na kinabibilangan nina Civil Service Commission Director Attorney Neil S. Agustin, dating Bise Mayor ng Amulung Cagayan Alexander Pascual, PDEA Agent Mark Anthony Ventura at dating Solana, Cagayan Municipal Engineer Antonio Malenab.
Bagamat ganoon ang kanilang nalaman sa cross matching examination ay nananatili pa ring hamon sa kanilang hanay na tukuyin kung sino ang nagpaputok ng naturang baril.
Magpagayunpaman ay positibo ang konklusyon na posibleng magkasama o iisang tao ang bumaril sa mahigit dalawang kaso ng pamamaslang sa lungsod.
Ang pinakahuling kaso ng pamamaril sa Tuguegarao City ay nangyari lamang noong madaling araw ng Disyembre 29, 2017 gawa ng riding in tandem.
Ayon sa hepe, ang mga nakuhang spent shell at slugs sa pinakahuling krimen sa lungsod ay muling isasailalim sa cross matching examination ng PNP Crime Lab.