Iisang format para sa mga COVID-19 vaccination cards, ikinakasa na ng DOH

Inihayag ngayon ng Department of Health (DOH) na magkakaroon na ng iisang format para sa mga COVID-19 vaccination certificate sa bansa.

Ayon sa DOH Usec. Myra Cabotaje, sa kasalukuyan, ang mga lokal na pamahalaan ay may kanya-kanyang itsura umano ng vaccination certificates o cards na iniisyu sa mga nababakunahan na laban COVID-19.

Paliwanag ni Cabotaje, may prescribed format para sa COVID-19 vaccination certificate.


Kapag aniya naayos na ito ng Department of Information and Communications Technology (DICT), gagamitin ang iisang vaccination certificate format.

Nangako na umano ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, ang DICT na aayusin sa lalong madaling panahon ang sistema para sa vaccination certificate kung saan ay digitized na o may application na gagamitan ng QR codes.

Giit pa ng opisyal layon umano nito na ma-harmonize ang pag-iisyu ng vaccination certificate, at matiyak na hindi mapepeke ang sertipikasyon.

Nakikiusap naman si Vergeire sa mga Lokal na pamahalaan habang hindi pa ito naisasakatuparan na mag-isyu naman ng maayos na vaccination certificates o cards na hindi mapepeke o masisira kaagad, habang naghihintay ng sistema mula sa DICT.

Facebook Comments