Nagsumite na ng kanilang mga dokumento sa Korte Supreme ang ika-10 petitioner laban sa Anti-Terrorism Law.
Una nang nakapaghain ng kanilang petisyon sa pamamagitan ng electronic filing ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at kanina lamang sila nagsagawa ng physical filing sa Supreme Court.
Kasama ng grupong BAYAN bilang mga petitioner sa kaso ang iba pang miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara gayundin si dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo.
Tulad ng naunang petitioners sa kaso, humihirit ang grupo ng Temporary Restraining Order (TRO) para ipatigil ang implementasyon ng Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Nagsagawa na rin ang physical filing ngayon ng ika-11 petitioner sa kaso na kinabibilangan nina dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at dating Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Dalawa o tatlo pang petisyon ang inaasahang isasampa rin ngayon sa Korte Supreme para kuwestyunin ang ligalidad ng Anti-Terror Law.
Kanina, nagsagawa rin ng rally sa harap ng SC ang grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) at ilan pang kaalyadong grupo para ipanawagan ang pagbasura sa Anti-Terror Act.